

Bagong Henerasyon ng Pilipinas
Milenyal ng Manila

Masining, malikhain at makahulugan ang saloobin, kaugalian, paniniwala, karanasan at pangyayari sa buhay, komunidad at lipunan, na may iba’t-ibang anyo, uri at katangiang yumabong sa mga pinagdadaanang panahon at patuloy ang ginintuang pamumunga nang maging yamang mana sa mga pausbong na henerasyon. Ang mga nabanggit ay nagpapasulyap ng panitikang Filipino.
Ang bawat literatura ay maituturing na obra maestra. Masusi at maingat itong isinasalaysay at inilalarawan ang bawat damdamin, katulad ng pag-ibig, pagkalungkot, pagkapoot, pagkatuwa, pagkasiya at iba pang maaaring
maramdaman ng isang tao sa kanyang lipunang ginagalawan. Sa madaling salita, ang pantikan ang sumasalamin sa kultura ng mga Pilipino. Nagsimula ang Panitikang Filipino bago pa man dumating ang mga mananakop. Itinuturing itong matandang panitikan na binuo ng iba’t ibang pangkat ng mga tao na nanirahan sa Pilipinas. Noon kadalasan itong pasalindila lamang dahil alam ng mga Pilipino na kahit sunugin ng mga Kastila o masira ang kanilang mga panulat, hindi nila mabubura o masisira ang mensahe na nakatatak na sa isipan ng mga tao.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng diwang mapanghimagsik sa makabagong panitikang Filipino. Ang mga manunulat ay mga bagong dugo, lumaki’t nagkaisip sa panahon ng pagkaunlad at kabihasnan, pinaliligiran ng bagong larawan ng daigdig na hindi maawat sa sunud-sunod na pagbabago. Mas matapang at desidido na sila ngayong ipinahahayag ang tunay na larawan ng lipunan.
Patuloy ang pamumunga ng Panitikang Filipino sa pamamagitan ng mga makabagong manunulat na
may paninindigan at pagpapahalaga sa ugat, sa kasaysayan, kultura at lipunan. Mayabong itong nabubuhay sa patabang kaalaman at kamalayan, patubig ng midya at paaraw sa modernisasyon.